Pagdedeklara kay Teves bilang terorista, ginagawa na ng DOJ

0
212

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kahapon na sinimulan na ang legal na proseso upang pormal na italaga si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves bilang isang “fugitive terrorist” o takas na terorista dahil pinupuna niya ang pagtanggi nito na bumalik sa bansa upang harapin ang mga akusasyon ng kanyang pagkakasangkot sa serye ng high profile na mga pagpatay.

“Ang tao kasing guilty iiwas talaga yan. Kahit ano pa sabihin nya, humarap sya. Kung wala siyang kasalanan, humarap siya. Gumagalaw na. We’re moving on it. We’re starting the preliminary movements. Yung mga kailangan kausapin kinakausap na,” ayon kay Remulla.

Sinabi ni Remulla na ang pinakahuling plano ng gobyerno na ibalik sa bansa ang mambabatas ay maaaring magpatuloy kahit na hindi pa siya pormal na sinampahan ng kaso kaugnay ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4, na kumitil din ng buhay ng walong iba pa at dose-dosenang nasugatan.

Aniya, sapat na ang mga nakabinbing kaso ng illegal possession of firearms at explosives upang suportahan ang plano ng gobyerno na ituring italaga siya bilang terorista.

Ang mga kasong kriminal kaugnay ng mga pagkamatay sa Negros Oriental noong 2019 ay isinampa na rin laban kay Teves na isang pangunahing tagapagtaguyod ng online na sabong sa bansa, na legal noong panahong iyon.

Sinabi ni Remulla na ang impormasyon na natanggap nila na nakita si Teves sa Korea ay maaaring makatotohanan ngunit ito rin ay nagpapahiwatig na ang mambabatas ay regular na nagpapabalik-balik sa Cambodia.

“Yung huli sabi I think reliable yung information ni Sen. [(Joel] Villanueva, nasa Korea pero pag ganun babalik-balik siya ng Cambodia,” ayon kay Remulla at idinagdag na ang paglalakbay sa mga ASEAN-member countries ay hindi nangangailangan ng visa.

Itinanggi ni Teves ang pagkakasangkot sa pagkamatay ni Degamo at sinasabing natatakot siya para sa kanyang sariling kaligtasan bilang dahilan sa pagtanggi niya na bumalik sa Pilipinas.

Sinabi ng isang pribadong abogado ng kampo ng Degamo na ang mga tauhan ni Teves ay nauugnay din sa hindi bababa sa 60 iba pang pagkamatay sa lalawigan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.