4 pulis nahatulang ‘guilty’ sa tangkang pagpatay sa trike driver

0
326

Gumaca, Quezon. Pagkatapos ng halos limang taon na paglilitis, sa wakas ay nakamit na ng isang tricycle driver ang hustisya matapos mapatunayan sa korte na “guilty” ang apat na pulis sa pagtatangka na i-salvage siya sa Atimonan, sa Quezon noong Nobyembre 1, 2018.

Sa pamamagitan ng video conferencing, nagbaba ng desisyon kamakalawa si Judge Michael Vito ng Gumaca Regional Trial Court Branch 172 ng “guilty verdict” laban sa mga akusadong sina dating SPO4 Wilson Villegas, SPO3 Noel Malabayabas, SPO2 Bryan Novo at PO2 Jhaymar Espedido, mga dating nakatalaga sa Agdangan Municipal Police Station.

Ang apat na pulis ay nahatulan na makulong ng lima hanggang 10 taon.

Ayon sa record ng korte, ang biktima na si Roger Herrero ay dinukot ng mga suspek sa isang barangay sa Agdangan, Quezon noong Nobyembre 1, 2018. Sapilitan siyang isinakay sa isang van at dinala sa Atimonan, Quezon.

Sa Atimonan, isinailalim siya sa interogasyon ng mga pulis at inakusahang magnanakaw. Isa sa mga akusado ang bumaril sa mukha sa biktima at iniwanan siya sa tabing kalye sa pag-aakalang siya ay patay na

Sa kabutihang palad ay nakaligtas sa kamatayan ang biktima nang matagpuan ng mga bystander at dinala sa ospital.

Noong Nobyembre 29, 2018 ay nagsampa ng kasong frustrated murder sa tanggapan ng Ombudsman ang biktima laban sa mga suspek na naging daan upang sila ay sumailalim sa paglilitis.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.