Dadalhin ng DOE sa Occidental Mindoro ang mga power generator set mula sa Region 8

0
351

Plano ng Department of Energy (DOE) na ilipat ang mga generator set sa Occidental Mindoro mula sa Eastern Visayas upang makatulong sa pag-iwas sa problema sa kuryente sa lalawigan.

Sa isang news forum noong Sabado sa Quezon City, sinabi ni DOE Undersecretary Felix William Fuentebella na ang generator sets ay makakatulong sa mahahalagang pasilidad sa isla, lalo na sa mga ospital.

“Ang tinatarget sana namin ay maglipat, at itutuloy namin ito, ng mga genset at 8 megawatts iyan galing sa Region 8 papuntang Occidental Mindoro,” ayon sa kanya.

Ang Occidental Mindoro ay may power demand na humigit-kumulang 30 megawatts ngunit ang gumaganang power plant doon ay nakakapag hatid lamang ng 7 megawatts (MW), na nagreresulta sa madalas na brownout, ayon kay Fuentebella.

Nauna dito, sinabi ng Malacañang na ang National Electrification Administration (NEA) at Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) ay nagkasundo na patakbuhin ang tatlong power stations ng OMCPC upang tumulong sa pagtugon sa krisis ng kuryente sa lalawigan.

Ang mga power station sa Sablayan area na may kapasidad na 5-MW; Mamburao, Paluan, Sta. Cruz, at Abra de Ilog (MAPSA), 7 MW; at San Jose, Magsaysay, Rizal, Calintan (SAMARICA), 20 MW, ay tatakbo ng 24-oras para magbigay ng kuryente, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Fuentebella na gumagawa din ang national government ng mga hakbang upang matugunan ang parehong mga power issues na kinakaharap ng Oriental Mindoro.

“The entire island should be interconnected to the grid already so we plan to hasten. It will be hastened and I think the plan is 2026… If you look at the size of Mindoro, napakalaki ng potential niya to help the economy so we just need to make sure that we are providing quality electricity services at the right prices and interconnection is one of the strategies,” ayo sa kanya.

Idinagdag niya na tinitingnan din ng mga stakeholder kung paano maaaring magsagawa ng joint competitive selection process ang Occidental at Oriental Mindoro.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.