Php 190-M na shabu nasamsam sa 2 HIV sa Laguna

0
296

CALAMBA CITY, Laguna. Tinatayang nasa 28 kilo ng high grade shabu ang nasamsam ng pinagsanib na pwersa ng Calamba City police at Laguna Provincial Intelligence Unit mula sa dalawang high value individual sa isinagawang buy bust operation sa Ciudad Verde, Purok 2, Barangay Makiling, sa lungsod na ito noong Miyerkules ng hapon.

Sa ulat na natanggap ni Police Brig.General Carlito Gaces, Direktor ng Regional Police Office Calabarzon mula kay Calamba City Police Station chief, Col. Milany Martirez, kinilala ang mga suspek na sina Donna Mateo Gali, kilalang “Madame”, 37 anyos, residente ng Brgy. San Pablong Nayon, Sto. Tomas City, Batangas, at John Erwin Matol Cadilina, kilalang “Erwin”, 37 anyos, residente ng Barangay Lecheria, Calamba City, Laguna.

Ayon kay Police Col. Ruel Rodolfo, Deputy Regional Director for Operation, ang dalawang suspek ay itinuturing na high value individual sa lungsod ng Calamba at hinihinalang konektado sa isang criminal group na nagbebenta ng shabu sa Calabarzon.

Batay sa pahayag ni Police Lt. Col. Martirez, natanggap nila ang impormasyon tungkol sa bentahan ng droga nina Gali at Cadilina sa Brgy. Makiling ng nabanggit na lungsod.

Agad na isinagawa ng mga pulis ang buy bust operation kasama ang Laguna Intel unit, at madali nilang nahuli ang mga suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, matapos masaksihan na nagbebenta ng dalawang sachet ng shabu sina Gali at Cadilina, natuklasan ng mga operatiba ang 28 kilo ng droga na nakatago sa compartment ng Toyota Hi-Ace Van na ginagamit ng mga suspek.

Ang nasabing malaking bulto ng shabu ayon sa mga operatiba ay nagkakahalaga ng 190,400,000 piso.

Si Gali at Cadilina ay nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.