Tatlong miyembro ng gun running syndicate sa Laguna, arestado

0
226

SINILOAN, Laguna. Sa isinagawang operasyon ng Siniloan Municipal Police Station, Laguna PNP, Provincial Intelligence Unit, at Laguna Provincial Special Operation Group, naaresto ang tatlong pangunahing tauhan ng isang gun running syndicate na aktibo sa ilang pangunahing bayan sa ika-apat na distrito ng Laguna.

Batay sa report na natanggap ni Police General Carlito Gaces, Direktor ng Calabarzon Police, mula kay Laguna Police Provincial Police Chief Col. Randy Glenn Silvio, kinilala ang mga suspek na sina Raymond Maghirang, Fernando Pundan, at Julito Maderazo. 

Ayon kay General Gaces, matagal nang pinaghahanap ng batas ang tatlong ito dahil sa mga ulat na ang kanilang grupo ang nasa likod ng talamak na bentahan ng mga baril na mataas ang kalibre sa Laguna at mga karatig lalawigan.

Ipinahayag naman ni Col. Silvio na ang mga inarestong suspek ay konektado sa “Jayson Cuento Group,” na itinuturong responsable sa ilang krimen sa ika-apat na distrito ng Laguna. Sinasabing isa rin ito sa mga pribadong armadong grupo sa lalawigan.

Ang pagkakahuli sa tatlo ay nag-ugat sa isang transaksyon ng grupo kung saan ibinenta nila ang isang .cal 45 caliber pistol sa isang pulis sa nasabing bayan. Agad na isinagawa ng mga awtoridad ang isang gun buy-bust operation na humantong sa pag aresto sa mga suspek.

Nakumpiska rin ng mga pulis mula sa mga suspek ang isang mobile phone, isang caliber .38 revolver, mga bala, at marked money.

Ang tatlong suspek ay haharap sa mga kasong paglabag sa o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act, at agad na isasampa ang kaso laban sa kanila sa korte.

Ang matagumpay na pag-aresto sa mga miyembro ng gunrunning syndicate na ito ay patunay ng mahigpit na kampanya ng kapulisan laban sa iligal na pagmamay-ari at pagbebenta ng mga baril. 

Samantala, pang pagbabantay ng mga awtoridad upang mapanatiling ligtas at mapayapa ang lalawigan ng Laguna.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.