Radio broadcaster itinumba ng riding-in-tandem gunmen

0
378

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro. Patay ang isang radio commentator na nagtatrabaho rin bilang field reporter matapos barilin ng riding-in-tandem sa Brgy. Sta. Isabel sa lungsod na ito sa Oriental Mindoro, kaninang madaling-araw.

Batay sa ulat ng Calapan City Police Station, ang pinaslang na brodkaster ay si Cresenciano Bunduquin, 50 anyos na commentator ng DWXR 101.7 Kalahi FM MUX online radio at negosyante rin.

Sa imbestigasyon, bandang 4:20 ng madaling-araw, habang naghihintay si Bunduquin sa harap ng kanyang tindahan para buksan ito, bigla na lamang dumating ang dalawang hindi nakilalang suspek na magkaangkas sa puting Honda motorcycle na may plakang DD22153. Agad na binaril ng mga suspek ang biktima sa C5 Road ng naturang barangay.

Agad isinugod si Bunduquin sa pinakamalapit na ospital, ngunit idineklarang dead-on-arrival dahil sa mga tama ng bala sa kanyang katawan.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos barilin si Bunduquin, ngunit hinabol sila ng anak ng biktima at hindi sinasadyang nabangga ang kanilang motorsiklo.

Dahil sa banggaan, isa sa mga suspek na nakilala bilang Narciso Ignacio Guntan ay nagkaroon ng malubhang sugat sa ulo at agad itong namatay. Nakatakas naman ang isa pang kasama nito na sumakay sa get away motorcycle.

Sinabi ni Police Capt. Ann Michelle Ann Selda, information officer ng Oriental Mindoro PNP, na bumuo na sila ng Special Investigation Task Group (SITG) upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pagpatay kay Bunduquin.

Ayon kay Selda, na spokesperson ng SITG Bunduquin, binubuo ang Task Group ng Provincial Police Office na pinamumunuan ni Col. Samuel Delorino, Oriental Mindoro police director; Criminal Investigation and Detection 4B-Oriental Mindoro, Calapan Police, at High Patrol Group 4B-Oriental Mindoro.

May dalawang indibidwal na itinuturing na mga person of interest na nakasama ngayon ang “task group.”

Sinabi ni Selda na tinitingnan ng task force ang lahat ng anggulo at motibo sa krimen, kasama na ang personal na buhay at trabaho ng biktima bilang online radio reporter at commentator.

Patuloy umano ang paghahanap ng mga ebidensya ng mga awtoridad, kasama na ang mga video footage mula sa mga CCTV camera sa mga exit at entrance ng ruta ng mga riding-in-tandem suspects.

“Ito ay isang napakahalagang pangyayari at gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang matiyak na makamit ang katarungan para kay Bunduquin,” pahayag naman ni Brig. General Joel Doria, Mimaropa regional police director.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.