Nasagip ng netizens ang babaeng Chinese na kinidnap sa Pasay at dinala sa Laguna

0
448

Sta. Rosa City, Laguna. Sa tulong ng malakas na tahol ng aso at dalawang matatandang senior citizens, nabawi mula sa mga kamay ng mga kidnapper ang isang babaeng Chinese na dinukot sa Pasay at dinala sa isang exclusive subdivision sa Sta. Rosa City, Laguna. Nangyari ito dakong ika-8 ng umaga, Huwebes, Mayo 1, 2023.

Ayon sa mga saksi sa pangyayari, nakiusap umano ng tulong ang hubo’t-hubad na biktima sa mga dumaraan. Pinaniniwalaang tumalon siya mula sa ikalawang palapag ng isang semi-mansion sa San Lorenzo Subdivision sa nababnggit na lungsod.

Kinilala ang nasagip na biktima na si Zhang Jia Ning, 24 anyos, tubong Hunan, China; estudyante at residente ng Pink House, Intramuros, Maynila.

Sa salaysay ni Carlos Delaro, isang saksi, narinig daw niya ang pagmamakaawa ng isang babae na nagmumula sa damuhan malapit sa kanyang bahay. Agad siyang lumabas at doon niya natagpuan ang sugatang katawan ng isang babae na Tsino, walang damit at nanginginig sa takot.

Agad kumuha ng damit si Delaro at ipinasuot ito sa biktima. Matapos ay agad siyang tumawag sa mga opisyal ng barangay at pulisya upang humingi ng tulong.

Sa paunti-unting salaysay ng biktima sa mga pulis, sinabi niyang dinukot siya ng mga kidnapper sa isang parking lot sa PITX at mabilis na isinakay sa itim na van. Pagkatapos ay dinala siya sa nasabing subdivision sa Laguna.

Dali-dali namang itinuro ng biktima ang dalawang suspek na tatakas na sana. Kinilala sila na sina Xie Jing Long at Sheng Likun na naharang sa gate ng subdivision.

Ayon sa biktima, hiningian ng ₱10 milyon ng mga suspek ang kanyang mga kaibigan at pamilya. Bukod pa rito, diumano ay pinagsamantalahan siya ng sindikato ang nilimas ang ₱300,000 na laman ng kanyang ATM, kinuha ang kanyang mga alahas, mga branded na bag, 2 iPhone, mga laptop, iba’t ibang currency, at mga imported na sapatos.

Ayon sa mga opisyal ng Bureau of Immigration, isasampa ang mga kasong kidnapping, rape, at robbery laban sa dalawang Chinese na nahuli sa gate ng subdivision.

Ang matapang na pagtugon ng mga netizens at awtoridad sa pangyayaring ito ay nagpapakita ng determinasyon ng bansa na labanan ang mga salbaheng sindikato at pangalagaan ang kaligtasan ng mga residente at turista nito.

Patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon upang mangalap ng mahahalagang datos hinggil sa kaso.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.