Sekyu na suma-sideline sa pagtutulak, laglag sa buy-bust

0
142

LUCENA CITY. Nakakulong ngayon ang isang security guard na suma-sideline bilang drug pusher matapos maaresto sa anti drug operation kahapon ng madaling araw sa Purok Maligaya, Barangay 5 sa lungsod na ito.

Kinilala ni PLt. Col. Ruben Ballera Jr. Chief of Police dito, ang nadakip na si Arnelo Padillo alyas “Rigor”, 33 anyos na binata at residente ng Purok Silangan, Brgy. Ibabang Dupay. Kabilang siya sa Quezon Police Provincial Office (QPPO) Suspected List Individual (SLI) at dati nang may kinakaharap na kasong paglabag sa RA 9165.

Ayon kay Ballera, nakatanggap sila ng impormasyon na naipatawag na ang suspek sa kanilang barangay at binalaan na mu­ling aarestuhin kapag nasangkot pa sa dating gawain ngunit binabalewala niya ito.

Dahil dito, ikinasa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ang operasyon laban sa suspek at nang magpositibo sa deal ay  agad siyang inaresto dakong alas-2:22 ng madaling araw.

Nakumpiska sa suspek ang isang coin purse na naglalaman ng tatlong transparent sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40,800 at isang piraso ng P500 marked money.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.