Motor-taxi rider, ginilatan ng leeg ng asawa ng pasahero

0
277

DASMARIÑAS CITY, Cavite. Patay ang isang 37 anyos na motor-taxi-rider matapos saksakin sa leeg ng asawa ng kanyang pasahero, noong Biyernes ng madaling-araw sa Dara Compound, Salitran, sa lungsod na ito

Tinitingnan ng pulisya ang selos bilang motibo ng pagpatay.

Ayon sa ulat na ipinadala ni Police Col. Christopher Olazo, direktor ng Cavite Provincial Police Office, kay Police BGeneral Carlito Gaces, direktor ng POlice Regional Office Calabarzon, ang biktima ay kinilalang si Mark Anthony Andag Domingo, may-asawa at residente ng Brgy. San Francisco, General Trias City, Cavite.

Agad namang nahuli ang suspek na si Crisanto Calagos Jr., 35 taong gulang, may-asawa at residente ng Salitran, Dasmarinas.

Batay sa imbestigasyon na isinagawa ni Police MSgt. Elmo Caboboy, nakuha umano ni Domingo sa isang ride-hailing app ang isang babaeng pasahero at inihatid ito sa Dara compound, Salitran, Dasmarinas. Pagdating sa lugar, naghintay ang rider sa pasahero na kumuha ng pera sa loob ng kanilang bahay.

Sa sandaling ito, dumating si Calagos at agad sinaksak ang gulong ng motor ni Domingo. Nang tanungin ng biktima ang suspek kung bakit, agad siyang sinaksak sa likod at ginilitan pa sa leeg.

Matapos ang krimen, tumakas ang suspek subalit agad siyang nadakip ng tracking team ng Cavite PNP sa P. Campo Avenue, Brgy. Sabang, Dasmarinas.

Sa pahayag ng pulisya, madalas sa istasyon ng pulis si Calagos dahil sa mga reklamo ng asawa tungkol sa kanyang matinding pagseselos at pananakit tuwing may makikitang lalaki na naglalakad o nakatayo sa harap ng kanilang bahay.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.