Binatilyong estudyante, isa pa nalunod sa Batangas

0
273

LIAN, Batangas. Nitong Sabado, isang binatilyong estudyante at isang hindi pa nakikilalang lalaki ang nalunod sa magkahiwalay na pangyayari sa Lian at Nasugbu sa Batangas.

Ang unang biktima ay kinilala ng mga pulis na si Aaron Lloyd Aquino, isang estudyante sa Grade 12 at residente ng Brgy. Sauyo Road, Novaliches, Quezon City.

Samantala, tinatayang nasa 50 hanggang 60 taong gulang ang ikalawang nasawi na nakasuot ng berdeng t-shirt at blue na maong shorts.

Kasalukuyan pa ring nawawala sina Patrick Torres, 19, at Benjie Muñoz, 21, parehong taga-Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City.

Ayon sa ulat ng Batangas Police Provincial Office, nagpasya ang grupo ni Aquino na mag-outing sa isang beach resort sa Brgy. San Diego, Lian bandang 8:00 ng umaga. Matapos mag-inuman, lumusong sa dagat si Aquino kasama ang tatlong kaibigan.

Ayon sa salaysay ni John Denmark Cruz, isa sa mga nakaligtas, hinatak sila ng malakas na alon na nagresulta sa pagkalunod ng tatlo.

Patuloy pa rin ang search and rescue operations na isinasagawa ng Philippine Coast Guard (PCG), mga tauhan ng Lian Municipal Risk Reduction Management Office (MDRRMO), at mga opisyal ng Barangay San Diego.

Sa Nasugbu naman, natagpuan ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki na lumulutang malapit sa dalampasigan sa Sitio Maligaya, Brgy. Bucana, Nasugbu.

Batay sa ulat ng pulisya, isang mangingisda ang nakapansin sa bangkay bandang 7:00 ng umaga.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon hinggil sa kaso, ayon sa mga awtoridad.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.