Suspek sa pagpatay kay Los Baños Mayor Caesar Perez, nahuli na

0
994

Calamba City.  Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 4A na nakabase sa lungsod na ito ang isa sa mga suspek sa pagpatay kay Los Baños Mayor Caesar Perez.

Ayon sa paunang report ng CIDG, ang dating konsehal ng Los Banos na kinilalang si Norvin Tamisin ay dinakip ng mga miyembro ng CIDG Batangas, CIDG Laguna at CIDG Baguio noong Nobyembre 2, 2021, bandang 5:01 ng hapon sa Baguio City.

Si Tamisin ay suspek sa pagpatay kay Perez na binaril habang nasa loob ng municipal hall ng nabanggit na bayan noong 2020. Sinampahan siya ng kaso ng special task force ng kasong murder kasama ang isa pang suspek na nagngangalang Glenn Arieta.

Ang suspek ay inaresto sa isang hideout sa Bareng Drive Bakakeng Sur, Brgy. Bakakeng, Baguio City sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Rene Deveza Natividad ng RTC Branch 107, Los Baños, Laguna sa kasong murder na walang rekomendasyon na magpiyansa.

Si dating Konsehal Tamisin na kasalukuyang nasa poder ng Batangas CIDG ay ika anim sa listahan ng most wanted person sa buong Calabarzon.

Matatandaan na noong Disyembre 3, 2020, dalawang beses na binaril sa ulo si Perez ng isang hindi nakilalang lalaki habang naglalakad sa bulwagan ng munisipyo ng Los Baños. Naisugod pa sa ospital ang mayor ngunit habang daan ay binawian ito ng buhay.

Nauna sa insidente, ang napatay na mayor ay inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa ilegal na droga. Noong 2017, ang jurisdiction ni Perez sa lokal na pulisya ay inalis dahil sa alegasyon ng pagkakasangkot nito sa illegal drug trade.

Ganon pa man, itinanggi ni Perez ang mga bintang sa isang panayam sa kanya sa telebisyon noong 2019. Ayon sa kanya, ang nabanggit na kontrobersya ay “politically motivated” at diumano ang pagkakabilang nya sa narco list ni Pangulong Duterte ay kagagawan lamang ng mga kalaban niya sa pulitika.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.