Trader na naningil ng pautang, tinangkang patayin ng may utang

0
337

DASMARIÑAS CITY, Cavite. Isang malagim na insidente ng karahasan ang naganap sa isang warehouse sa Brgy. Salawag dito kamakalawa, kung saan parehong nasa kritikal na kondisyon ang isang negosyante at ang lalaking may utang sa kanya matapos mauwi sa isang marahas na pagtatalo ang singilan.

Ayon sa mga ulat, naganap ang insidente sa Bella Beatrix Cosmetic Products Warehouse na pag-aari ni Ryan Tsubasa Rivas, isang 31-anyos na negosyante at residente ng Brgy. Burol 3, Dasmariñas City, Cavite. Kasama sa insidente ang suspek na si Ronald Ochoco Almendra, na naninirahan sa Brgy. San Roque, Tarlac City.

Batay sa imbestigasyon, nagpunta umano si Almendra sa warehouse upang bayaran ang utang matapos siyang singilin ng negosyante. Ngunit biglang uminit ang kanilang pagtatalo, na nauwi sa pamamaril at tangkang pagpapatiwakal.

Ayon sa salaysay ng saksi na si Wilfred Cueto, 25-anyos, marketing manager ng nabanggit na warehouse, si Rivas ay inispreyan sa mukha ng pepper spray ng suspek bago ito pinagsasaksak ng Swiss knife. Sinubukan pa ni Almendra na ispreyan din si Cueto, ngunit nakatakbo ito at humingi ng tulong.

Matapos ang kaguluhan, natagpuan ng mga awtoridad si Almendra na nakahandusay sa loob ng warehouse. Nakita din sa CCTV footage na nagtangka rin ang suspek na saksakin ang sarili matapos niyang pagsasaksakin si Rivas.

Sa kasalukuyan, pareho silang nasa kritikal na kondisyon sa isang ospital at ginagamot ang mga sugat at pinsalang tinamo nila.

Narekober ng mga awtoridad ang isang bote ng Smartguard pepper spray at isang Swiss knife na may habang 8.5 inches. Ang mga ito ay magiging mahalagang mga patunay sa kasong isasampa laban sa suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.