Public office is public trust

0
757

Napanganga ako sa mungkahi ni Ombudsman Samuel Martires na dapat  ipakulong ng limang taon ang sino mang media na bubusisi at magkokomentaryo tungkol sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga government officials at mga empleyado ng gobyerno.

Itinulak ni Martirez sa isang hearing sa Kongreso na amyendahan ang Republic Act No. 6713, or the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees upang isara ang accessibility ng mga SALN sa publiko.

Hindi daw alam ng media na batay sa Republic Act 6713 ay hindi sila pinapayagan na mag komento tungkol sa mga SALN.

“Even under the existing provisions of [RA] 6713, they’re not allowed to make any comment. This is what media does not know,” ito ang sinabi ni Martires.

Pero binuklat ko ang tinuran niyang batas at ito ang sinasabi sa RA 6713:

(D) Prohibited acts. – It shall be unlawful for any person to obtain or use any statement filed under this Act for:

(a) any purpose contrary to morals or public policy; or

(b) any commercial purpose other than by news and communications media for dissemination to the general public.

Malinaw ang nasa ilalim ng letrang b na pwedeng ibalita at ipakalat sa general public ang mga nilalaman ng SALN. 

Pero ayon sa sentimyento ni Martirez, kung iulat ko halimbawa na si Congressman Manhik Manaog ay nagkaroon ng mansion sa Brgy. Makulot, Sitio Tralala ngunit hindi ito naka deklara sa kanyang SALN ay ipapakulong na agad niya ako ng limang taon.

Sinasabi sa 1987 Constitution sa Article Xl, Accountability of public officers na public office is public trust. Na lahat ng public officials at employees ay may pananagutan sa mamamayan. Sinasabi din dito na sila ay inaasahang maglilingkod ng may “utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency; act with patriotism and justice, and lead modest lives.”

Kung isasara ni Martires sa media ang baul ng SALN, tinakpan na rin niya ng buo ang napakaliit na siwang na bantayan para sa malinis na paglilingkod. Bibigyan niya ng mas maluwag na daan ang mga corrupt na public officials na makapagnakaw sa kaban ng bayan ng mas madali at walang pangamba.

Ang nais nyang proteksyunan ay iyong mga dapat ikulong at ang mga dapat nyang protektahan ang gusto nyang ipakulong.

Tila nakalimutan ni Ombudsman Martirez na ang pangunahing papel ng ombusdman at ng kanyang mga deputy ay maging tagapagtanggol ng kapakanan ng mamamayan at tiyakin na naipapasunod ang episyenteng serbisyo ng pamahalaan sa taong bayan. Nakasaad ito sa Section 13, R.A. No. 6770; sa Section 12 Article XI ng 1987 Constitution.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.