Trike driver, tinodas ng bayaw na seaman

0
173

TIAONG, Quezon. Patay ang isang tricycle driver matapos barilin sa ulo ng kanyang bayaw na seaman. Naganap ang trahedya kamakalawa ng umaga sa Sitio Panghulan, Brgy., Bula sa nabanggit na bayan.

Ang biktima ay kinilalang si Pedro Trinidad, 43 taong gulang samantala, ang suspek ay kinilalang si Enrico Millares na bayaw ng biktima at matagal ng seaman.

Ayon kay PEMS Sherwin Bonsol, opisyal na nagsasagawa ng imbestigasyon, nagaganap ang insidente habang nag-aalmusal si Pedro sa loob ng kanilang tahanan bandang alas-10:00 ng umaga. Bigla na lamang dumating ang suspek na armado ng kalibre 45 at walang sabi sabing binaril ang biktima sa ulo na agad nitong ikinamatay.

Agad na tumugon ang mga miyembro ng Tiaong Municipal Police Station, pinasok ang lugar ng insidente at naglunsad ng imbestigasyon.

Tumakas si Enrico dala ang baril na ginamit sa krimen habang kasalukuyan siyang tinutugis ng pulisya.

Sinabi ni PEMS Bonsol na inaalam nila ang motibo sa likod ng krimen at nagsampa na rin ng kaukulang kaso laban sa suspek.

Ayon pa rin sa paunang imbestigasyon, matagal ng may isyu ang magbayaw. Sinasabi ring dumaranas ng depresyon ang suspek bukod pa sa mga problemang pinasyal at pampamilya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.