P200K pabuya para sa paghuli sa pumatay sa barangay chairman sa Quezon

0
189

SARIAYA, Quezon. Magbibigay ng P200,000 na pabuya ang lokal na pamahalaan ng Sariaya, Quezon para sa makapagtuturo sa suspek sa pagpatay sa barangay chairman ng Brgy. Guisguis-San Roque.

Namatay ang biktima na si Benedicto Robo, 62 anyos na chairman ng nabanggit na barangay matapos pagbabarilin ng suspek na kinilalang si Marvin Fajarda Flores.

Ang mga impormasyon tungkol sa suspek ay maaaring ipagbigay alam agad sa Sariaya Municipal Police Station o sa pinakamalapit na himpilan ng mga pulis, ayon sa abiso ng lokal na pamahalaan.

Batay naman sa ulat na nakarating sa Camp Crame mula sa Quezon Provincial Police Office, kumakain ng siopao ang kapitan sa labas ng basketball court ng barangay nang lapitan at komprontahin siya ni Flores noong Biyernes ng gabi.

Kasunod nito, pinagbabaril na ng malapitan ng suspek ang kapitan.

Agad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril samantalang dinala sa ospital ang biktima ngunit namatay din habang ginagamot.

Bago nangyari ang pamamaril, pinagsabihan umano ni Robo ang suspek dahil sa inaasal nito habang nasa impluwensya ng alak sa gitna ng paliga ng basketball ng barangay.

Nauwi ito sa pagtatalo hanggang sa umalis na lamang ang kapitan upang hindi na lumala ang away, ngunit sinundan siya ng suspek at pinagbabaril.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.