DOLE chief: Posibleng job loss sa AI kailangang paghandaan

0
401

Ipinahayag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na mayroong nagbabadyang displacement o pagkawala ng trabaho para sa mga manggagawa sa bansa dahil sa pag-usbong ng artificial intelligence (AI) technology.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), hindi nito maaaring pigilan o ipagbawal ang pag-unlad ng teknolohiya.

“Ang magagawa lang nito ay maghanda para sa mga epekto na idudulot nito sa sektor ng paggawa,” pahayag ni Laguesma.

“Sa bawat pagbabago sa larangan ng paggawa, hindi natin maitatangging may posibilidad ng displacement pero mahalaga na paghandaan ito,” patuloy pa niya.

“Ang mahalaga ay handa tayong matugunan ang pangangailangan ng ating mga manggagawa. Gayundin, dapat tayong maging handa sa mga hakbang na dapat gawin ng mga negosyante upang maiwasan ang malubhang dislokasyon sa ating mga manggagawa,” dagdag niya.

Upang makamit ito, nakikipag-ugnayan na ang DOLE sa mga employer at kumpanya upang malaman kung paano maisasama ang AI sa kanilang mga proseso ng trabaho, at ipaalam ang posibleng epekto sa labor force.

Binanggit din niya na nakatakda ang Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) na magtatag ng innovation centers na magbibigay ng skills training para sa mga manggagawa “upang mapanatili ang kanilang kakayahan sa bagong teknolohiya tulad ng AI, nang hindi nakakalimutan ang tradisyunal na mga kasanayan.”

“Sa bawat pagkawala, mayroon ding pagkakataong mas makakamtan. Mayroon ding kapakinabangan sa pag-usbong ng mga teknolohiya dahil kailangan nating maging makabago upang makipagsabayan sa ekonomiya ng bansa,” aniya pa rin.

Nauna dito, sinabi ni McCormick Foundation associate dean para sa digital innovation at propesor ng teknolohiya na si Dr. Mohanbir Sawhney na dapat simulan ng Pilipinas ang pagsasanay sa kanilang workforce “upang makipagsabayan sa pagdating ng AI, habang patuloy na ang nagpapatakbo sa ekonomiya ng bansa ay human service careers.”

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo