Malakas na Bagyong Egay: Pinalikas ang mga residente at itinigil ang paglalakbay sa dagat

0
546

MAYNILA, Pilipinas. Papalapit ang isang malakas na bagyong Egay (international nameDoksuri) sa Hilagang Pilipinas nitong Martes, na nagtulak ng libu-libong paglikas at pagtigil sa biyahe sa dagat bunsod ng malakas na ulan at pag-apaw ng tubig hanggang sa 3 metro (halos 10 talampakan).

Inaasahang mananatili sa labas ng bansa ang pinakamalakas na hangin sa sentro ng bagyo habang binabaybay ng Bagyong Egay ang hilagang-kanlurang bahagi ng Cagayan at Batanes provinces, ngunit maaaring tamaan din ang mga malalayong isla sa bansa.

Ang 680-kilometrong (420-milya) lapad ng rainbar ng bagyo ay maaaring magdulot ng flash floods at landslides sa mga probinsya sa hilagang bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ang bagyong Egay ay huling namataan sa 310 kilometro (193 milya) silangan ng Tuguegarao City sa lalawigan ng Cagayan, na may tinatayang taglay na hangin na umaabot sa 185 kilometro (115 milya) kada oras at pagbugso ng hangin na umaabot sa 230 kph (143 mph), ayon sa PAGASA..

Ang bagyong ito ay magpapalakas din ng ulan sa mga probinsya sa gitna at hilagang bahagi ng bansa. Inaasahan itong magpatuloy sa paggalaw patungong hilagang-kanluran malapit sa Taiwan at maglalakbay patungong China sa huling bahagi ng linggong ito.

Kaugnay nito, sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na sinuspinde niya ang trabaho sa kanyang probinsya upang bigyan ng pagkakataon ang mga tao na maghanda sa paparating na bagyo at inutusan lumikas ang libu-libong tao sa 11 bayan sa tabing dagat bilang pag-iingat.

“Supertyphoon ito at isinasagawa namin ang pre-emptive evacuations sa lahat ng baybaying barangay dahil takot kami sa storm surges,” sabi ni Mamba sa The Associated Press sa telepono, idinagdag pa niya na nagbabala na ang mga weather forecasters sa posibleng pag-apaw ng tubig ay maaaring umabot sa taas na 3 metro (halos 10 talampakan).

Bukod sa trabaho, sinabi ni Mamba na kanselado rin ang mga klase sa mga kolehiyo mula Martes hanggang Miyerkules. Ang mga mag-aaral sa mga antas ng elementarya at hayskul ay nasa bakasyon na rin, dagdag pa niya.

Hinimok ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que ang publiko na maging maingat at ipinatupad ang pagbabawal sa pag-inom ng alak, may babala na parurusahan ang mahuhuling lumabag dito. Bawal na rin ang paglalayag ng mga mangingisda dahil sa pagtaas ng alon sa dagat.

Halos 10,000 mga pasahero ng inter-island ferry at mga drayber ng cargo truck, kasama na rin ang 100 mga pasahero at cargo vessel at motor bancas, ay stranded sa ilang mga pantalan kung saan ipinatupad ang no-sail order dahil sa bagyo at pag-ulan dulot ng enhanced monsoon, ayon sa Philippine coast guard.

Sa Taiwan, kanselado ang bahagi ng taunang Han Kuang military exercises nitong Martes.

Ang isang ehersisyong naglalayong simulahin ang paggamit ng civilian airport sakaling masira ang mga airstrip ng militar ay kanselado dahil ito ay nasa timog-silangang baybayin ng Taiwan, kung saan lumaki na ang alon.

Sa pinakatimog na bahagi ng Taiwan, umabot na sa 2.5 metro (8 talampakan) ang taas ng alon, ayon sa Central Weather Bureau ng Taiwan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.