Rescue, retrieval ops sa tumaob na bangka sa Rizal, itinigil muna

0
249

Itinigil muna ng Philippine Coast Guard (PCG) ang underwater search and rescue/retrieval operation sa Binangonan, Rizal. Ito ay matapos ang mahigit pitong oras na paghahanap sa iba pang posibleng biktima ng tumaob na M/B Aya Empress.

Kasama sa operasyon ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Red Cross (PRC).

Sa pinakahuling tala ng MDRRMO Binangonan kaninang kahapon, nananatili pa rin sa 40 ang nakaligtas at 26 naman ang namatay dahil sa insidente. Anim pa sa 26 na namatay ang hindi malinaw ang pagkakakilanlan.

Samantala, magpapatuloy ang Surface Search and Rescue/Retrieval Operation sa Sabado, Hulyo 29. Dahil dito, ang mga rescue/retrieval team ng PCG ay hindi na sisisid o magda-dive, kundi sasakay na lamang sa bangka sa kanilang paghahanap.

Samantala, nalaman sa inisyal na imbestigasyon ng PCG na overloaded ang tumaob na bangka Ang “Aye Express” ay may kapasidad na 42 pasahero, ngunit lumalabas na mahigit na 60 ang sakay nito nang lumubog. Dahil dito, sinibak na sa puwesto ang dalawang tauhan ng PCG na nakatalaga sa Binangonan habang iniimbestigahan ang kanilang posibleng kapabayaan sa pagpapalayag sa tumaob na bangka. Hindi pa tinukoy ng PCG Commandant na si Artemio Abu ang dalawang tauhan na kasalukuyang isinasailalim sa imbestigasyon, at hindi pa rin matukoy sa ngayon ang kanilang tiyak na pagkukulang na siyang tatalakayin ng mga imbestigador.

Samantala, nahawakan na ng lokal na pulisya ng Binangonan ang boat captain ng lumubog na bangka sa bahagi ng Laguna de Bay. Ito ay bilang bahagi ng pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban kay Donald Anain, ang 40-anyos na boat captain ng Aya Express. Sinabi ni Coast Guard Admiral Armand Balilo na isa sa mga tauhan ng Binangonan Station ng PCG ang nasa ilalim din ng imbestigasyon kaugnay ng insidente.

Una nang ibinunyag ng kapitan ng barko na sadyang pinasobrahan nila ang kapasidad ng barko nang maganap ang insidente, at 22 lamang sa halip na 40 ang nakatala sa kanilang manipesto. Sa kabila nito, pinayagang makapaglayag ang barko nang walang suot na life vest ang mga pasahero. Ayon kay PCG spokesperson Armand Balilo, patuloy ang kanilang imbestigasyon sa Talim Island at tiniyak niya na hindi nila palalampasin ang anumang pagkakamali ng mga personnel ng Philippine Coast Guard.

Matapos makuha ang 26 bangkay at 40 na nailigtas, itinuro ni Balilo na responsibilidad na ng lokal na pamahalaan ng Binangonan ang pagdetermina sa ‘seaworthiness’ ng bangka, at hindi ng PCG. Kasabay nito, sinuspinde na rin ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang safety certificate ng motorbanca Aya Express at magsasagawa rin sila ng sariling maritime safety investigation.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.