Anak kritikal sa saksak ng ama

0
207

TAYTAY, Rizal. Sinaksak ng ama ang kanyang anak sa hindi pa malamang kadahilanan sa kanilang bahay sa bayang ito kamakalawa.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Arian May Ilagan, 16 taong gulang, isang estudyante at panganay sa apat na magkakapatid. 

Kasalukuyang nasa kritikal na kalagayan ang biktima sa Quirino Memorial Medical Center.

Kinilala naman ang ama at suspek na si Frederick Ilagan. 

Batay sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, dakong alas-5:30 ng hapon nang magtungo sa kanilang tanggapan ang ina ng biktima na si Jonna Ilagan at ini-report ang krimen na naganap sa kanilang tahanan sa Sitio Lumang Ilog, Floodway B, Brgy. San Juan, Taytay, Rizal.

Sa pahayag ng ina, natutulog ang kanyang anak sa loob ng kanyang silid ng biglang pumasok ang kanyang ama at tinanong kung nasaan ang kanyang nanay.

Nang sumagot ang biktima na hindi niya alam ay bigla na lang umanong bumunot ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang anak at saka mabilis na tumakas, ayon sa salaysay ng ina ng biktima at asawa ng suspek.

Haharap sa kasong frustrated parricide ang suspek sa piskalya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.