Barko ng PGC binomba ng tubig ng China habang papunta sa Ayungin Shoal

0
260

Ibinida ng Philippine Coast Guard (PCG) na binomba ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) ang kanilang barko habang patungo sila sa isang resupply mission sa Ayungin Shoal sa BRP Sierra Madre.

Itinuturing na ilegal na hakbang ang ginawa ng China.

Ayon sa opisyal na pahayag ng PCG, kinondena nila ang mapanganib na pag-atake at ilegal na paggamit ng water cannon ng CCG laban sa kanilang mga sasakyang pandagat na nag-escort sa mga katutubong bangka na nagdadala ng mga pagkain, tubig, gasolina, at iba pang kailangang gamit sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakadestino sa BRP Sierra Madre. 

“The PCG calls on the China Coast Guard to restrain its forces, respect the sovereign rights of the Philippines in its exclusive economic zone and continental shelf, refrain from hampering freedom of navigation, and take appropriate actions against the individuals involved in this unlawful incident,” ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela.

Ipinunto rin ng PCG na hindi lamang ang kaligtasan ng PCG crew ang nalagay sa panganib ng pag atake kundi pati na rin ang mga tripulante ng supply boats.

Ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group, isang mahalagang teritoryo ng Pilipinas, kasama na ang exclusive economic zone at continental shelf, kung saan mayroong soberanya, karapatan, at hurisdiksyon ang Pilipinas.

“We ask that China Coast Guard, as an organization with a responsibility to observe state obligations under UNCLOS, COLREGs, and other relevant instruments of international maritime safety and security, to cease all illegal activities within the maritime zones of the Philippines,” sabi ni Tarriela.

Mariin ding kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang  insidente na tinurang “excessive and offensive.”

Ipinunto nila na ang pangalawang supply boat na patungo sa Ayungin Shoal ay hindi nakapag diskarga ng supplies at hindi rin nagawa ang layuning mag- resupply dahil sa mapanganib na pag-atake ng CCG.

“We call on the China Coast Guard and the Central Military Commission to act with prudence and be responsible in their actions to prevent miscalculations and accidents that will endanger peoples’ lives,” ayon sa pahayag ng AFP. 

Ipinapaabot ng mga opisyal ng Pilipinas ang kanilang pagtutol sa mga hindi makatwirang aksyon na nagsasanhi ng tensyon sa lugar at nagiging dahilan ng banta sa kaligtasan at seguridad sa West Philippine Sea. Hangad nila ang makatwirang resolusyon at pagpapakita ng respeto sa sovereign rights ng bawat bansa sa rehiyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.