IMUS, Cavite. Sinibak sa puwesto ang hepe ng Station Drug Enforcement Unit ng Cavite City Police Station at walon pang pulis matapos na mag-viral sa social media ang isang closed-circuit television camera (CCTV) video footage na nagbibintang sa mga pulis ng pangungulimbat ng mga gamit sa bahay ng isang retiradong guro sa isinagawang drug operation sa Brgy. Alipan 1-A, Imus City.
Sinibak agad ni Col. Christopher Olazo, Cavite police director, ang buong Station Drug Enforcement Unit (SDEU team) matapos niyang mapanood ang video clips na nag-viral na inulan ng komento ng mga netizens sa social media.
Pansamantalang hindi pinangalanan ni Olazo ang 9 na pulis habang ginagawa pa ang imbestigasyon laban sa kanila upang matiyak ang kanilang pananagutan sa insidente at kung nagkaroon ng lapses sa kanilang operasyon.
Inutos din ni Olazo na disarmahan ang ng miyembro ng SDEU operatives na sangkot sa nasabing operasyon at inutusan silang mag-report sa pre-evaluation unit ng Police Provincial Office para sa administrative probe.
Sa video na nai-post ng Brado News na may pamagat na “Bahay ng 67 anyos na dating profesora, Niransak, Ninakaw ng 8 pulis Imus.” Ang nabanggit na video ay may ilang libo nang viewers at share.
Sa video clips, mapapanood na sinusubukan ng mga undercover police officers na wasakin ang pinto ng bahay ng retiradong guro habang ang iba ay naghahalughog sa naka-park na motorsiklo.
Sinabi ni Olazo na ang pangunahing target sa operasyon ay ang anak na babae ng retiradong guro na nasa drug list ng PNP sa Brgy. Alipan 1-A, Imus City, Cavite nitong Biyernes ng hapon. Naaresto ng SDEU operatives sa operasyon ang suspek na si Rebecca Caoile at nakakumpiska dito ng ilegal na droga, dalawang ‘di lisensyadong baril, at drug paraphernalia.Tala: Patuloy pa ring inaalam ang detalye at katotohanan ukol sa insidenteng ito. Magkakaroon ng karagdagang ulat at balita habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.