Sunog sa Rizal: 1 patay, 3 Sugatan

0
649

CAINTA, Rizal. Isang malupit na sunog ang nagdulot ng pagkamatay ng isang babae at pagkasugat ng tatlong iba pa sa isang tahanan sa bayang ito sa Rizal.

Ang sunog ay pinaniniwalaang nagsimula  sa sinindihang kandila sa loob ng nasunog na bahay kahapon ng madaling-araw.

Sa ngayon, hindi pa inilalabas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pangalan ng babaeng biktima dahil sa kakulangan ng pahintulot mula sa kanyang pamilya.

Samantala, nakatanggap naman ng karampatang tulong medikal ng tatlong nasugatan sa sunog, kabilang dito ang dalawang bata.

Ayon sa mga ulat ng Rizal BFP, nangyari ang sunog sa Brookside Subdivision sa Brgy. San Isidro sa Cainta, bandang alas-3:00 ng madaling-araw.

Napag-alaman na natutulog ang mga biktima ng magliyab ang apoy. Nagresulta ito sa pagbagsak ng ikalawang palapag ng bahay at nadaganan ng mga nag aapoy na yero at kahoy ang ginang na natutulog sa unang palapag.

Ganap na alas-3:45 ng madaling-araw ng maapula ng mga tauhan ng BFP ang sunog na tumagal hanggang sa umabot sa first alarm.

Ayon sa mga salaysay ng katiwala ng bahay, galing ang pamilya sa lamay at nagtirik ng kandila nang bumalik sila sa kanilang tahanan.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.