“KATROPA” o Kalalakihang Tapat sa Responsibilidad at Obligasyon sa Pamilya, inilunsad sa Laguna

0
379

STA. CRUZ, Laguna. Isinagawa ang pormal na paglulunsad ng “Kalalakihang Tapat sa Responsibilidad at Obligasyon sa Pamilya” o “KATROPA” na may temang “Usap Tayo sa Family Planning para sa Proteksyon ng Pamilyang Pilipino” sa Governor’s Office Conference Room sa Kapitolyo ng Lalawigan noongAgosto 22, 2023.

Ang ginanap na pagtitipon ay bahagi ng Family Planning Month na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Agosto.

Matagumpay na isinagawa ang nasabing kaganapan sa tulong at suporta nina Laguna Governor Ramil Hernandez at Laguna Rep (2nd District)  Ruth Hernandez, na matibay na naniniwala na sa pamamagitan ng maayos na pamilya ay makakamtan ang mga pangarap sa buhay.

Sa okasyong ito, tinalakay ang kahalagahan ng aktibong paglahok ng mga kalalakihan sa mga usapin ng pamilya, partikular na ang mga ama ng tahanan. Binigyan diin ang kanilang responsibilidad sa pangangalaga ng kalusugan ng pamilya, mga paraan ng family planning, at tamang pagpaplano ng pamilya, pati na rin ang aspeto ng ligtas na pakikipagtalik.

Sa ilalim ng programa ng “KATROPA,” ang pangunahing layunin ay matulungan ang mga pamilya na maayos na maipalaganap ang pagsasaayos ng kanilang tahanan at matukoy ang mga pangarap na nais nilang makamtan. Isinama rin sa programa ang mga pangunahing hakbang na kinakailangang gawin sa pagpaplano ng pamilya, kabilang ang mga pagsasanay at pagpapayo na makakatulong sa kanilang kabuuang kaunlaran.

Ang “KATROPA” ay isang kilusan na naglalayong baguhin at palakasin ang pag-uugali ng mga kalalakihan bilang responsableng indibidwal, mabuting mga magulang, at mga katuwang sa pag-unlad ng kanilang pamilya at komunidad.

Sa pamamagitan ng pagbibigay ng modernong pananaw sa pagiging tunay na lalaki sa bawat isa, inaasahan na sila ay magiging mga tagapagtaguyod ng pagbabago sa kanilang sariling pamilya, grupo ng mga kaibigan, at sa buong komunidad.

Kasama sa pagtitipon ang mga kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaang bayan tulad ng Pangil, Lumban, Victoria, Cavinti, Kalayaan, Bay, Calauan, Sta. Cruz, Luisiana, ang Tanggapan ng DILG sa Laguna, Provincial Health Office, Sectoral Concerns Office, Men Opposed to Violence Against Women Everywhere (MOVE), Laguna Provincial Gender and Development (PGAD), Commission on Population and Development (CPD) Rehiyon 4A, at Luisiana District Hospital.

Ang PPO- Outreach ang nanguna sa pamumuno ng programa sa ilalim ng patnubay ni Nelia M. Espino.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.