Babaeng online seller, hinoldap habang nagla- live selling

0
208

STA. ROSA, Laguna. Isang babaeng online seller ang nagulantang nang biglang pasukin at holdapin sa loob ng kanyang bahay habang nasa kalagitnaan ng kanyang “live stream selling” sa Laguna.

Nangyari ang insidente bandang 1:00 hapon nang pasukin ng isang lalaki na may suot na helmet ang bahay ni Agnes Serafica, isang online seller na residente ng Sta. Rosa, Laguna.

Sa live video ni Serafica, kitang-kita kung paano pumasok ang lalaki at agad na kinuha at itinaob ang cellphone ng biktima na ginagamit sa kanyang live selling. Matapos ito, tinutukan ng baril ang biktima at pinadapa.

Sa kuwento ni Serafica, hiningi ng suspek ang kanyang pera, subalit wala siyang maibigay kaya’t inagaw nito ang kanyang mga alahas. May kasamang ibang tao na nagbabantay sa pinto ng bahay ang suspek at matapos kunin ang pitong piraso ng alahas at cellphone na ginamit sa live selling, agad silang tumakas sakay sa isang motorsiklo.

Tinatayang abot sa P100,000 ang halaga ng mga ninakaw mula sa biktima.

Ayon kay Police Lt. Col. Dwight Fonte, Jr., hepe ng Sta. Rosa City Police Station, matapos ang imbestigasyon, sumuko ang ang isa sa mga suspek matapos mapag alaman na siya ay kapitbahay lamang ng biktima.

Ayon kay Police Lt. Col. Dwight Fonte, Jr., hepe ng Sta. Rosa City Police Station, madalas na makakwentuhan ng ama ng biktima ang sumukong suspek at hinihinalang dito nagsimula ang motibo upang holdapin ang kayang anak.

Nakikipagtulungan na ngayon ang suspek sa mga awtoridad upang mahuli ang isa pang holdaper.

Ang insidenteng ito ay nag-iiwan ng babala sa mga online sellers na maging maingat sa mga posibleng panganib habang nagtatrabaho online.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.