Airport personnel sa viral na video: “Chocolate, hindi dolyares ang nilunok”

0
672

Ipinagtanggol ng tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) ang kanilang mga sarili matapos silang paratangan na ninakaw at nilunok ang nawawalang $300 ng isang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ayon sa kanila, tsokolate ang kinain, at iginiit nila ito sa isinumiteng supplemental affidavit.

Subalit, hindi pa rin kumbinsido ang fact-finding team ng OTS. Ayon kay OTS administrator Undersecretary Mao Aplasca, “Hindi naman normal na kumain ng tsokolate, hirap na hirap at tinutulak pa niya ng tubig. Hindi mo kailangan ng tubig. ‘Yun talaga ang paniniwala nila, na hindi iyon tsokolate.”

Sa kasong ito, nauna nang inilagay sa preventive suspension ang staff member na sangkot, pati na rin ang kanyang supervisor at isa pang tauhan na nag-abot ng bote ng tubig sa kanya. Kasalukuyan ding nahaharap ang mga ito sa kasong administratibo ng grave misconduct. Posibleng maharap din sa theft charges ang akusado sakaling mapatunayang guilty.

“Nakakagalit na itong insidenteng ito, paulit-ulit siguro iniisip ng mga tao na ito na hindi naman magpo-prosper yung criminal case dahil wala yung complainant, hindi na interested. Gagawa kami ng mga paraan na legal,” pahayag ni Aplasca.

Kasalukuyan ding iniimbestigahan ang iba pang mga tauhan ng OTS, na nasa 14 katao, na naka-duty noong araw ng insidente.

Sa kabilang banda, ipinahayag ni Manila International Airport Authority officer-in-charge Bryan Co ang kanyang pagkadismaya sa pangyayaring ito, na aniya’y magdudulot ng negatibong epekto sa hakbang na pagbutihin at pagandahin ang serbisyo sa NAIA.

Inirekomenda rin ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang ipatupad ang maximum penalty sa sinumang tauhan ng paliparan na mapapatunayang guilty sa insidente.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.