Floating barriers ng China sa Scarborough, inalis ng Philippine Coast Guard

0
288

Inalis ng Philippine Coast Guard (PCG) ang floating barrier na itinuturing na “bakod” na inilagay ng China sa Scarborough Shoal matapos maglabas ng Presidential Instruction ang Malacañang.

Ayon kay PCG spokesman Commodore Jay Tarriela, tinanggal ang nasabing barrier dahil ito ay nagdulot ng panganib sa mga sasakyang pandagat, at malinaw na paglabag ito sa mga international laws.

Sa pangunahing epekto, ito ay nagiging sagabal sa mga Pilipinong mangingisda na umaasa sa Scarborough Shoal para sa kanilang kabuhayan. Ipinahayag ng PCG na ang naturang lugar na kilala rin bilang Bajo de Masinloc, ay tradisyunal na pook pangisdaan ng mga Pilipino. Dahil dito, ang anumang hakbang na magpapahirap sa kanilang kabuhayan ay labag sa mga prinsipyong itinakda ng internasyonal na batas.

Noong 2016, idineklara ng Arbitral Award na ang Bajo de Masinloc ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, at itinatag ito bilang tradisyunal na “fishing ground” ng mga Pilipino. Tinatayang nasa 300 metro ang haba ng hilera ng mga boya na inilagay ng China sa nasabing lugar.

Sa isang video na inilabas ng PCG, makikita ang pagputol ng mga lubid na konektado sa hilera ng mga boya sa ilalim ng tubig.

Ayon kay Commodore Tarriela, nananatiling tapat ang PCG sa pagpapatupad ng mga prinsipyong itinakda ng international law, sa pangangalaga ng kapakanan ng mga Pilipinong mangingisda, at sa pagprotekta ng karapatan ng Pilipinas sa kanyang teritoryal na karagatan.

Philippine Coast Guard removes floating barrier installed by Chinese Coast Guard in West PH Sea.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.