Bigas at cash anti-inflation ayuda sa mahihirap ipamamahagi sa mga susunod na araw

0
178

Magbibigay ng cash ayuda ang Kongreso at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga darating na araw upang agarang lunasan ang suliranin ng mga mahihirap sa buong bansa dulot ng mataas na presyo ng bigas at iba pang mga bilihin.

Mag-uumpisa ang “Malaya Rice Project” sa Metro Manila sa susunod na linggo. Inaasahang mahigit sa 3 milyong indibidwal sa buong bansa ang makakatanggap ng tulong mula sa sektor ng mga mahihirap, senior citizen, mga may kapansanan, single parent, at mga katutubong Pilipino.

Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, “Ito ay isang inisyatibo ng House at ng DSWD upang agad matulungan ang mga naghihikahos na kababayan natin habang isinusulong ng pamahalaan ang pangmatagalang solusyon sa gutom at mataas na presyo ng mga bilihin.”

“Tulad ng mga sinabi ko noon, batid ng pamahalaan ang paghihirap ng mga kababayan natin kaya’t ginagawan natin ng paraan para maibsan kahit papaano ang kanilang paghihirap,” dagdag pa ni Romualdez.

Sa ilalim ng programang ito, ang bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng P1,500 na cash ayuda. Mula sa nasabing cash assistance, P570 ay inaasahang gagamitin upang bumili ng 15 kilong bigas na nagkakahalaga lamang ng P38 bawat kilo. Ang murang bigas ay ipapamahagi sa mga payout centers sa araw na iyon.

Ang natitirang P930 ay maaaring gamitin para sa iba pang pangangailangan ng mga benepisyaryo.

Ang mga benepisyaryo ay magmumula sa iba’t ibang distrito sa Pilipinas na kabilang sa listahan na isusumite ng mga kongresista.

“Hindi titigil ang pamahalaan sa pagtulong sa mga mahihirap sa mga panahong ito dahil mas higit nila itong kinakailangan,” ayon kay Romualdez, na nagbigay ng garantiya na ang tulong ay patuloy na ibibigay sa mga nangangailangan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.