PNP-IMEG nagbabala sa mga pulis na babaero

0
171

Mariing nagbabala ang PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) laban sa mga pulis na sangkot sa mga imoral na gawain, kabilang na ang pambababae. Ito ay bahagi ng pagsusumikap ng Philippine National Police (PNP) na mapanatili ang integridad at propesyonalismo sa kanilang hanay.

Ipinahayag ni PNP-IMEG Director Police Brig. General Warren de Leon na ang mga pulis na sangkot sa mga ganitong gawain ay walang puwang sa PNP. Ang babala ay bilang pagsunod sa pangunahing layunin ng PNP, na inilahad sa 5 Focus Agenda ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., na naglalayong siguruhing matatag ang kanilang serbisyo para sa bayan.

Ang naturang babala ay nagbunsod sa IMEG, kung sna arestuhin si PMSgt. John Ledesma Mollenido sa bisa ng isinampang warrant of arrest ng Municipal Trial Court, Fourth Judicial Region, Tanza, Cavite.

Si Mollenido ay inireklamo ng concubinage ng kanyang asawa, at siya ay nahuli sa Airobez Hotel sa Makati noong nakaraang Sabado matapos ang pagtanggap ng tip ang grupo ng IMEG.

Matapos ang pag-aresto, isinailalim si Mollenido sa IMEG Custodial Facility sa Camp Crame para sa mga kinakailangang dokumentasyon bago ito iharap sa hukuman upang sagutin ang mga kaso laban sa kanya.

Sa mga ganitong hakbang, ipinapakita ng PNP-IMEG ang kanilang determinasyon na panagutin ang mga babaerong pulis sa kanilang mga aksyon, at patuloy na isulong ang kanilang misyon na maglingkod at protektahan ang mamamayan ng walang anumang bahid ng kahinaan sa hanay ng kanilang organisasyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.