Oktubre 30 BSKE day idineklarang non-working day ng Palasyo

0
130

Naglabas ng anunsyo ang Malacañang at itinakda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Oktubre 30 bilang special non-working day upang bigyan ng pagkakataon ang mamamayan na bomoto sa barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), ayon sa pahayag ng Presidential Communications Office kahapon.

Pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Proclamation No. 359 para kay Marcos, kung saan itinakda ang nasabing holiday. “Mahalaga na mabigyan natin ng buong pagkakataon ang ating mga mamamayan na makilahok sa nasabing halalan at gampanan ang kanilang karapatan sa pagboto,” ayon sa pahayag ng PCO, kung saan kinuha ang pahayag ng pangulo.

Sa hiwalay na salaysay, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na umaasa siyang maidedeklara rin na holiday ang Oktubre 31 upang magkaruon ng sapat na oras sa mga pagbiyahe ang mga botante papunta sa mga probinsya upang bumoto. Idinagdag niya na umaasa siyang mas mataas ang bilang ng mga botante kaysa noong 2018. “Tayo po kasi ay nag-aambisyon na mahigitan yung nangyari noong 2018 na 70% yan. Sana naman mga 75% ngayong darating na barangay and SK elections,” ayon sa kanya.

Inutos ng Department of Labor and Employment na para sa trabahong isinasagawa sa espesyal na araw na walang pasok, dapat bayaran ang mga empleyado ng karagdagang 30% ng kanilang arawang sahod sa unang walong oras ng trabaho [(basic wage x 130%) + Cost of Living Allowance (COLA)]. Para sa trabaho na lumampas sa walong oras o overtime work, dapat bayaran sila ng karagdagang 30% ng kanilang orasang sahod sa nasabing araw.

Ang mga botante ay pipili ng mga bagong opisyal para sa 42,027 barangay sa 82 probinsya sa buong bansa. Ang pagboto at pagbilang ng mga boto ay gagawin nang manu-mano. Ang huling pagkakataon na ganitong halalan ay ginanap noong 2018.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo