Laurel, Batangas. Namahagi ng mahigit na P231M na halaga ng binhi, fertilizer, pesticide at mga kagamitan sa pagsasaka ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Batangas na naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal, sa isang programang ginanap kamakailan sa bayang ito.
Ang magsasaka at mangingisda sa bayan ng Laurel ay tumanggap ng P15,445,438 na halaga ng tulong bukod pa sa P2,035,000 at P13,805, 000 para sa African Swine Fever indemnification fund.
Mahigit na 12,438 ektarya ng lupaing agrikultura na nasasakupan sa Batangas, Cavite at Laguna ang naapektuhan ng Taal sa CALABARZON, ayon sa DA at nanganganib ang kabuhayan ng 23,094 na pamilya dito. Tinatayang nagkakahalaga ng P1.8 B ang halaga ng pinsala na isinanhi ng nabanggit na bulkan sa mga nabanggit na lalawigan.
Sa Batangas, lubhang naapektuhan ang mga bayan ng Agoncillo, Laurel, Lemery, Balete, Tanauan City, Taal, Talisay, San Nicolas, Sta, Teresita, Alitagtag, Cuenca, Malvar, Mataas na Kahoy, at Lipa City, ayon sa report ng DA.
“Sa pagsasama-sama po natin sa ganito kalaking programa, bagaman hindi po kaila sa ating lahat ang dami ng pagsubok na ating pinagdaanan, ito ay isang patunay lamang na dapat lalo nating pagyamanin ang pagsasaka upang maisigurado po ang sapat na pagkain sa bawat Pilipino.Noon pong pumutok ang bulkan noong Enero, agad-agad po tayong nag-convene ng isang task force para po ma-address natin ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan na lubha pong naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal. Ang isa pong departamento na kaagad-agad pong nagbigay ng tulong at nagparamdam po ng tulong sa ating mga kababayan dito po sa ikatlong distrito, ay ang Kagawaran po ng Agrikultura,” ayon sa mensahe ni Laurel Mayor Joan Lumbres-Amo.
“Ang bansa ay aahon pa rin from the these big challenges, sa lahat ng mga epekto na idinulot ng COVID-19 pandemic, ng Taal Volcano eruption, at ng ASF. Ang mga magsasaka at mangingisda ay babangon din, ang sektor ng agrikultura ay aangat na rin,” ayon naman kay DAR Secretary William Dar.
Kaugnay nito, ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ay nagbukas din ng interest-free loans sa mga magsasakang apektado ng tatlong sunod sunod na sakuna na Taal Volcano eruption, African Swine Fever (ASF) outbreak, at ng COVID-19 pandemic sa mga nabanggit na lalawigan.
Kevin Pamatmat
Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.