Opisyal ng DA pinasisibak ng ombudsman dahil sa maanomalyang sibuyas deal

0
182

Inirekomenda ng Office of the Ombudsman ang pagsuspinde at pagtanggal sa puwesto kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary for Consumer Affairs Kristine Evangelista kaugnay ng diumano ay maanomalyang transaksyon sa pagsusupply ng sibuyas sa Kadiwa stores ng DA.

Noong Agosto, nauna nang pinasuspinde ng Ombudsman si Evangelista, kasama ang iba pang opisyal ng DA, dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act at Procurement Law. Ito ay dahil sa kakulangan sa suplay ng sibuyas sa mga pamilihan, na nagdulot umano ng manipulasyon sa presyo nito, at sa hindi malinaw na pagbili ng sibuyas mula sa Bonena Multi-Purpose Cooperative sa Food Terminal Inc. (FTI).

Kasama rin sa nasuspinde si DA Administrative Officer V Eunice Biblanias, DA OIC-Chief Accountant Lolita Jamela, FTI Vice President for Operations John Gabriel Benedict Trinidad III, at FTI Budget Division Head Juanita Lualhati.

Ayon sa desisyon ng Ombudsman, napatunayan na si Evangelista ay nagkasala sa kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of service. Si Trinidad ng FTI ay napatunayan din na guilty sa gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of service.

Naharap naman sa mga kaso ng grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service sina DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban at FTI President Robert Tan. Ngunit ang mga ito ay absuwelto sa kasong administratibo dahil sa kakulangan ng ebidensiya na nagdidiin sa kanila.

Nakita rin ng Ombudsman ang probable cause para idiin sa kaso si Evangelista at Trinidad, kasama ang iba pang indibidwal, dahil sa pinaniniwalaang pagsasabwatan. Gayunpaman, ibinasura ng Ombudsman ang kasong kriminal laban kina Panganiban, Tan, Jamela, Biblanias, at Lualhati dahil sa kakulangan ng probable cause.

Ayon pa sa Ombudsman, ang mga akusado ang naging sanhi ng “artificial shortage” sa sibuyas.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.