Babaeng suspek sa droga, tiklo sa mahigit P1-M shabu

0
115

DASMARIÑAS CITY, Cavite. Nasakote ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa parking lot ng isang mall kagabi sa lungsod na ito ang isang babae na itinuturing na suspek sa drug trading.

Kilala lamang sa pangalang Jerwin ang suspek, isang 35-anyos na residente ng Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City, Cavite, at itinalagang high value individual (HVI) sa lalawigan ng Cavite.

Ayon sa ulat mula sa opisina ni Cavite Provincial Director Police Col. Eleuterio Ricardo Jr., naganap ang buy-bust operation bandang 8:25 ng gabi kahapon sa parking lot ng isang mall sa Brgy. Zone 4, Dasmariñas City. Ang operasyon ay resulta ng pagtutulungan ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 4A, Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) Cavite-PPO, at Dasmariñas Police laban sa nasabing suspek.

Sa naturang operasyon, nakumpiska mula kay Jerwin ang mahigit aa 150 gramo ng shabu na may kabuuang halaga na umaabot sa P1,035,000.00.

Kasama sa mga nakumpiska mula sa suspek ang boodle money na ginamit sa operasyon, isang itim na sling bag kung saan nakatago ang mga shabu, at isang cellphone keypad na pagmamay-ari ng suspek.

Ang babaeng suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga pulis at nakatakdang humarap sa mga kaukulang kaso kaugnay ng ilegal na droga.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.