Pekeng opisyal ng army, huli sa matataas na kalibre ng baril

0
349

Biñan City, Laguna. Arestado ang isang pekeng opisyal ng hukbong sandatahan matapos salakayin hinggil sa mataas na kalibreng baril sa isang army training ground sa lungsod na ito kamakalawa.

Sa isinagawang operasyon, nakumpiska sa suspek ang ang 38 sari-saring baril at magazine, at libo-libong bala para sa iba’t ibang kalibre ng baril.

Batay sa ulat, matagal nang minamanmanan ng CIDG Laguna Provincial Field Unit, kasama ang pwersa ng PNP Biñan at AFP, ang suspek na kinilalang si Jose Francisco Ramos III. Ang operasyon ay isinagawa sa bisa ng limang search warrant na inisyu ni Hon. Agripino R. Bravo, Executive Judge ng RTC, Lucena City, Quezon, kaugnay sa paglabag sa RA Act 10591, ang batas na nagtatakda ng regulasyon sa pagmamay-ari at paggamit ng baril.

Kabilang din sa inaresto sa nilusob na bahay sa Amsterdam St., Town and Country, Barangay Langkiwa sa Biñan City sina Mark Sales at Darwin Darwin Regonis.

Nagpakilala ang suspek bilang mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines at diumano ay may ranggong Army Lieutenant Colonel o General at nagre-recruit ng mga tao sa Facebook na sumali sa Philippine Wildlife Sentinel Unified Command (PWSUC). Iginiit ng suspek na ito ay kaanib ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at naglilingkod siya doon bilang force multiplier para sa militar.

Ngunit sa verification mula sa 1303rd Defense Regional Community of the Philippine Army, lumabas na si Ramos ay hindi isang AFP Reservist at walang record ng assignment o hindi nakalista sa rooster ng AFP’s Joint Task Force NCR. Ganun din, ayon sa DENR-4A, ang PWSUC ay hindi konektado sa DENR-4A bilang Deputized Wildlife Enforcement Officers.

Ang mga naaresto at nakumpiskang ebidensya ay isinailalim sa dokumentasyon at tamang disposisyon sa CIDG Laguna PFU Office.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.