DOH: 200K na kaso ng flu naitala

0
562

 Naitala na ng Department of Health (DOH) ang 200,000 kaso ng ILI (Influenza-like illnesses), kabilang ang COVID-19.

Sa pahayag ni Health Undersecretary Eric Tayag, ang kasalukuyang DOH information officer, kinumpirma niya na mas malaki ang bilang kaysa sa karaniwang 90,000 na naitatala na “respiratory illnesses” tuwing taglamig. “Dati rati nasa 90,000 lang sa panahon na ito. Pero hindi naman lahat ng ito ay influenza, may ilan dun na tinesting namin ay COVID pala, ‘yung iba ay influenza,” ayon kay Tayag sa panayam ng TeleRadyo.

Ang ulat ay nagmula sa lumalaking pangamba sa mataas na kaso ng ILI sa Hilagang China, na mino-monitor ngayon ng DOH. Hinikayat din ng ahensya ang mga magulang na agad na ipa-check-up ang mga anak, lalo na ang mga sanggol na may edad tatlong buwan pababa, na nagpapakita ng sintomas ng ILI.

“Ang nakababahala dito sa China ay sapagkat kahit hindi magkalapit na lugar ay may mga ganun silang kaso sa mga bata at marami ang nao-ospital. Ngayon ang pinagsususpetsahan nila ay isang uri ng bacteria, microplasma pneumoniae subalit hindi ito nakukumpirma. Patuloy ang testing,” saad pa ni Tayag.

Sa kabila ng mga ulat, iginiit ni Tayag na kailangan pa ring maghanda ang Pilipinas at kailangan agad na maisailalim sa test ang pagkakasakit ng mga bata, lalo na sa ubo at sipon. 

Kaugnay nito, inirerekomenda ng isang eksperto sa infectious diseases na isuot muli ng mga Pilipino ang face masks kapag nasa pampublikong lugar.

Gayon pa man, iginiit ni Dr. Rontgene Solante, ang pangulo ng Philippine College of Physicians, na hindi dapat mag-panic ang publiko. Nilinaw niya na wala pang tiyak na impormasyon kung ito ay magreresulta sa panibagong pandemya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.