San Pablo City. Zero-Covid case na ang lungsod na ito, batay sa update ng city health office dito ngayong gabi, Nobyembre 15, 2021.
Walang naitalang bagong kaso ng Covid-19 ngayong araw na ito, ayon sa ulat ni San Pablo City Anti-Covid-19 Incident Commander Assistant City Health Officer Dra. Mercydina Abdona Mendoza-Caponpon kina San Pablo City Mayor Loreto ‘Amben’ Amante at City Health Officer Dr. James Lee Ho.
Apat na covid patients ang gumaling at pumalo sa 8,452 ang total recoveries. Ang fatalities naman ay nanatiling 370.
Samantala, 34 ang natitirang active cases. Ang 32 ay nasa loob ng San Pablo City at 2 ang nasa labas ng nabanggit na lungsod.
Batay sa panayam kay Dr. James Lee Ho, ang pagbaba ng Covid case sa lungsod ay resulta na ng maaga at malawakang vaccination program na patuloy na isinasagawa ng lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, mahigpit na nagbibilin si Dr. Lee Ho sa mamamayan dito na huwag makampante. “Zero-Covid case na po tayo ngayong gabi ngunit hinihiling ko pa sa lahat na patuloy po tayong mag ingat at sumunod sa minimum health and safety protocols para po mapanatili nating zero ang Covid cases dito sa ating siyudad,” ayon sa city health officer.
Kasabay nito, nananawagan si San Pablo City Mayor Loreto ‘Amben’ Amante sa mga magulang at guardian na pabakunahan ang kanilang mga anak na edad 12 hanggang 17.
Sandy Belarmino
Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV. Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.