Senior motorist, pinagsasaksak ng gunting sa road rage

0
248

GEN. TRIAS, City, Cavite. Isinugod sa ospital ang isang 60-anyos na motorista matapos pagsasaksakin ng gunting ng isang driver sa Governor’s Drive, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City kahapon.

Ang biktimang si Joseph Ramos Aviles, 60-anyos at residente ng Brgy. Manggahan, Gen. Trias City, Cavite, ay kasalukuyang nasa pagamutan matapos pagsasaksakin ng gunting ng isang lalaking diumano ay nag-counterflow at muntik nang makabangga sa kanyang tricycle.

Arestado na ang suspek na kilala sa alias na “Reynaldo,” 31-anyos at residente ng Brgy. Cabuco, Trece Martires City, Cavite. Hinaharap nito ngayon ang kasong frustrated homicide.

Sa imbestigasyon ni Police Master Sergeant Christopher Dumlao ng Gen. Trias Police, nangyari ang insidente bandang alas-9:00 ng umaga. Habang minamaneho ni Aviles ang kanyang tricycle nang biglang nag-counterflow ang suspek at nasakop ang kabilang lane at muntik nang mabangga si Aviles.

Sa halip na humingi ng tawad, nagwala ang suspek at nagbanta kay Aviles. Kalaunan ay bumaba ito ng sasakyan bitbit ang isang gunting at inatake ng saksak ang matanda.

Duguang dinala si Aviles sa Gen. Trias Medicare Hospital, kung saan ay kasalukuyan siyang inoobserbahan. Agad namang naaresto ang suspek ng mga rumespondeng pulis.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.