Utang ng Pilipinas umabot na sa P14.48 Trilyon

0
429

Lumaki pa ang utang ng bansa sa pagtatapos ng Oktubre 2023.

Sa ulat ng Bureau of the Treasury (BTr) na inilabas nitong Martes, Disyembre 5, lumobo na sa P14.48 trilyon ang kabuuang utang ng pamahalaan, na mas mataas ng 1.49% mula sa P14.27 trilyon noong Setyembre 2023.

Ayon sa Treasury, ang pagtaas ng utang ng gobyerno sa buwang ito ay resulta ng “net issuance and availment of domestic and external loans, as well as the revaluation effect of peso depreciation against the US dollar.”

Sa kabuuang utang, 68.38% ay “locally sourced” samantalang ang 31.62% naman ay mula sa international source. Ang utang sa loob ng bansa ay umabot sa P9.90 trilyon, na tumaas ng 1.73% mula sa P9.73 trilyon noong Setyembre.

Sa parehong buwan, naglabas ang pamahalaan ng P213.42 bilyon para sa domestic debt securities, kumpara sa principal payments na nagkakahalaga ng P45.68 bilyon, na nagresulta sa net repayment na P167.75 bilyon. Idinagdag pa ng BTr na ang epekto ng pag-depreciate ng lokal na pera laban sa dolyar ay maliit lamang, umaabot sa P230 milyon.

Ang year-to-date domestic debt ay nakakita ng increment na P693.95 bilyon o 7.54%.

Sa kabilang banda, ang foreign debt ay lumaki ng 0.97% patungo sa P4.58 trilyon mula sa P4.53 trilyon month-on-month. Ayon sa Treasury, ang pag-akyat ng external debt para sa Oktubre ay dulot ng net availment ng foreign debt na umabot sa P33.52 bilyon, at ang P11.84 bilyong adjustment sa valuation dahil sa pag-depreciate ng piso laban sa dolyar.

Ang external debt ng bansa ay tumaas ng P367.99 bilyon o 8.74% mula sa P4.21 trilyon noong katapusan ng Disyembre 2022.

Samantalang ang debt-to-gross domestic product (GDP) ratio ay bumuti sa 60.2% sa third quarter mula sa 61% noong second quarter, kasunod ng mas mataas na paglago ng ekonomiya na umabot sa 5.9% mula sa 4.3% noong second quarter.

Ang mas mababang debt-to-GDP ratio ay nagpapakita na kayang bayaran ng bansa ang utang nito na walang malaking epekto sa ekonomiya. Ayon sa Medium Term Fiscal Framework ng administrasyon, layon ng pamahalaan na mabawasan pa ang debt-to-GDP ratio pababa sa 60% sa 2025 at 51.1% sa 2028.

Bago ang pagbagsak ng COVID-19 pandemic, ang debt-to-GDP ratio ng Pilipinas ay umabot sa record low na 39.6% noong 2019.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo