Pangil, Laguna binulabog ng bomb threat, klase sinuspinde

0
246

PANGIL. Laguna. Sinuspindi ng lokal na pamahalaan ang lahat ng klase sa elementarya, high school, at kolehiyo sa bayan ng Pangil sa Laguna matapos na bulabugin ng bomb threat ang Pakil Elementary School sa Barangay Isla kahapon ng umaga.

Agad na iniulat ng gurong si Rozchelle Subijano, 40, kasama ang dalawang estudyante, na parehong 12 anyos, sa kanilang school principal ang natagpuang “word-processed letter” na naglalaman ng mensahe ng pagbabanta mula sa harap ng gate ng Pakil Elementary School alas-8:40 ng umaga.

Sa bomb threat, sinabi na pasasabugin ang Pangil Elementary School at iba pang paaralan malapit sa Barangay Isla ilang oras matapos ang pagpapaskel ng babala.

Bilang tugon, agad na ipinaalam ang natanggap na bomb threat sa lokal na pulisya na agad na rumesponde sa iskul at nagsagawa ng masusing inspeksyon sa loob. Inabisuhan ng awtoridad ang lahat ng guro na siguruhing ligtas ang paglilikas ng mga estudyante habang isinasagawa ang inspeksyon.

Sa oras ding iyon, ipinatigil ng mayor ng bayan ang lahat ng klase sa lahat ng antas upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral.

Dumating din ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Division (EOD) at nag inspeksyon ang premises ng paaralan. Matapos ang isang oras na pagsusuri, idineklara ng EOD na negatibo sa bomba ang Pakil Elementary School.

Sa pahayag ng pulisya, tinukoy ang bomb threat bilang “prank” at idineklara itong “cleared” mula sa anumang uri ng pampasabog matapos ang inspeksyon ng EOD.

Nagpapatuloy ang inspeksyon ng EOD sa mga gusali ng mataas na paaralan at kolehiyo sa bayan upang tiyakin na walang nakatanim na bomba.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.