Itataas ang monthly contribution ng Pag-IBIG Fund mula Enero 2024

0
660

Binabalak ng Pag-IBIG Fund na itaas ang buwanang kontribusyon ng kanilang mga miyembro at ng kanilang mga employers, simula Enero 2024.

Ayon kay Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta, itutuloy ng ahensya ang pag-implementa ng pagtaas sa kontribusyon ng mga miyembro ng Pag-IBIG Fund, kung aprubado ito ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. Bagamat inaprubahan na ng Pag-IBIG Fund Board ang pagtaas, nagpadala ng memorandum ang ahensya sa Pangulo noong huling linggo ng Nobyembre upang ipaalam ang pagsisimula ng implementasyon ng pagtaas sa kontribusyon.

Sa kasalukuyang patakaran ng Pag-IBIG Fund sa kontribusyon, ang maximum fund salary (MFS) na batayan para sa two (2%) percent na rate ay nasa P5,000 kada buwan. Ito ay nangangahulugang ang mandatory contribution ng miyembro ay P100 kada buwan, at P100 naman para sa employer. Ang mga halagang ito ay nagiging pondong tumutubo kada taon.

Inaasahan na ang planong pagtaas sa susunod na taon ay magiging P200 na mandatory contribution para sa mga miyembro at P200 naman para sa employer.

Ayon kay Acosta, ang dagdag-hulog na ito ay magreresulta sa mas mataas na ipon para sa miyembro, mas malaking taunang dibidendo, at mas malaking halaga para sa cash loan. Dagdag pa niya, ang dagdag pondo mula sa pagtaas ng kontribusyon ay makakatulong sa pondo para sa mas maraming housing units.

Nakatakdang itaas sana ang MFS noong 2021 at 2022, ngunit naantala ito at nailipat sa taong 2024 dahil sa epekto ng pandemya sa mga miyembro at sa komunidad ng negosyo. Ipinunto rin ni Acosta na huling nagkaroon ng taas sa monthly contribution noong 1986.

Sa ngayon, ang Pag-IBIG Fund ay may 15.8 milyong aktibong miyembro sa buong bansa.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.