Eksperto, nagrekomenda ng pagsusuot ng face mask sa mga party ngayong Kapaskuhan

0
107

Binigyang-diin ni Dr. Rontgene Solante, isang eksperto sa infectious disease, ang kahalagahan ng pagsusuot ng face mask sa mga pagtitipon ngayong Kapaskuhan upang maiwasan ang posibleng pagtaas ng kaso ng coronavirus at influenza-like illnesses (ILI).

Sa isang Health Forum ng Philippine College of Physicians noong Martes, ipinaabot ni Dr. Solante ang kanyang rekomendasyon sa publiko. “Ang pagsusuot ng face mask ay isang responsibilidad ng mga tao para sa kanilang sarili at sa iba,” aniya.

Ipinahayag ni Solante na hindi siya sang-ayon sa pagbabawal sa publiko na magtipon, maging indoor o outdoor. “Kung gusto natin protektahan ang ating mga sarili, kailangan natin magsuot ng face mask. Kung may sintomas, huwag masyadong magpakalat sa mga tao upang hindi makahawa,” dagdag niya.

Bagaman inaasahan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ngayong holiday season, naniniwala si Solante na hindi ito magiging kasing taas ng mga nakaraang taon. “Asahan na tataas talaga ‘yan. Pero sa aspeto ng pag-hospitalize, hindi naman siguro ganoon kataas ang maoospital,” pahayag ng eksperto.

“I think there are some who will get hospitalized because of pneumonia, and other respiratory infections. Pero hindi ko nakikitang mapupuno ang mga ospital to the point na hindi na makakapasok ang iba,” dagdag ni Solante.

Binigyang-diin din ng eksperto na handa ang mga ospital sa posibleng pagdami ng mga pasyente. Gayunpaman, mahalaga raw na suriin ang kahandaan ng mga komunidad sa pagsunod sa mga preventive measures.

Sa pinakahuling tala ng kaso hanggang ika-11 ng Disyembre, 2023, umabot na sa 4,130,311 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, kung saan umakyat ang aktibong kaso sa 4,780.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.