Lima patay, tatlo sugatan sa banggaan ng truck at SUV sa Batangas

0
257

STO. TOMAS, Batangas. Dead on the spot ang limang biktima habang tatlo ang malubhang nasugatan matapos magbanggaan ang isang ten-wheeler truck at isang Sports Utility Vehicle (SUV) bandang 2:30 ng madaling araw kahapon sa kahabaan ng national highway sa Sto. Tomas, Batangas sa kasagsagan ng mahigpit na trapiko na dulot ng pag uuwian para sa Pasko.

Sa ulat ni Police Lt. Col. Rodel Ban-O kay Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, Direktor ng Calabarzon PNP, ang SUV ay galing sa Catarman, Sambar, patungo ng Nueva Ecija nang maganap ang trahedya.

Ayon kay Col. Ban-O, napag alaman sa imbestigasyon na nakatulog ang driver ng Innova Van na may walong sakay, at ito ay lumabag sa linya ng kalsada habang paparating naman ang truck patungong Quezon.

Ayon sa mga saksi, mabilis ang takbo ng Van, at hindi na ito naiwasan ng driver kahit na alam nito na may paparating na truck.

Ayon naman sa salaysay ng driver ng truck, nabigla siya nang bumulaga sa kanyang harapan ang nasabing van. Dagdag pa niya, dahil sa bilis ng takbo nito, hindi na niya nakontrol ang trak.

Batay sa mga pahayag ng ilang motorista sa lugar, hindi na nga kayang iwasan ng truck driver ang aksidente dahil sa sobrang bilis ng takbo ng van. Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagmistulang kinuyumos na lata ang van matapos ang aksidente.

Kasalukuyang iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang mga pangalan at pagkakakilanlan ng mga biktima. Ang driver ng truck ay nakakulong na sa Sto. Tomas police station at sasampahan siya ng mga kaukulang kaso tulad ng reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple physical injuries, at damage to property.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.