Landslide sa NIA project: isa ang patay, 2 malubha

0
151

LILIW, Laguna. Patay ang isang construction worker at dalawa pang trabahador ang nasa kritikal na kondisyon matapos matabunan ng gumuhong riprap project ng National Irrigation Administration (NIA) sa Barangay Calumpang, Liliw, Laguna, nitong Huwebes ng hapon.

Ang nasawi ay kinilalang si Eddie Dela Cueva, residente ng Purok 6, Barangay Calumpang, Liliw, Laguna. Ayon sa mga awtoridad, si Dela Cueva ay kasalukuyang nagtatrabaho sa proyektong itinataguyod ng NIA para sa pagpapabuti ng kalsada sa lugar.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat, lumambot ang lupa sanhi ng sunud-sunod na pag-ulan sa nakalipas na mga araw, na pinaniniwalaang naging sanhi ng pagguho ng lupa sa proyekto. Ang nasabing riprap project ay bahagi ng programa ng NIA para sa mas epektibong irrigation system sa rehiyon.

Sa kasalukuyang, dalawang construction worker ang nasa kritikal na kalagayan at ginagamot sa pinakamalapit na ospital.

Kaugnay nito nagpaabot ng pakikiramay si Mayor Juanito Mendoza ng Liliw, at nananawagan para sa agarang imbestigasyon upang alamin ang mga sanhi ng trahedya upang maiwasan ang mga katulad na aksidente sa hinaharap.

Samantala, kasabay ng pakikiramay ng NIA sa pamilya ng nasawi, nangako sila na magsasagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa pangyayari.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.