₱1.6 milyong halaga ng pekeng sigarilyo, nasamsam sa Batangas

0
152

ROSARIO, Batangas. Kinumpiska ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang halagang ₱1.6 milyon pisong halaga ng pekeng sigarilyo sa isang buy-bust operation kahapon sa Barangay San Carlos, bayang ito.

Sa pahayag ni Police Col. Jack Malinao, Director ng CIDG Calabarzon, kinilala ang mga suspek na sina Mark Cruz at isang John Doe, kapwa residente ng Barangay Tulos sa nasabing bayan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo ang mga suspek sa tanggapan ng CIDG sa PNP Region 4 upang ireklamo ang isang kompanya ng sigarilyo dahil sa sumbong na pamemeke sa kanilang produkto.

Agad namang umaksyon ang mga awtoridad at nagsagawa ng entrapment operation para mahuli ang mga suspek. Isang undercover agent ang nagkunwang aangkat ng 15 kahon ng sigarilyo.

Napaniwala ng undercover agent ang dalawang suspek at nakipagkita sa napagkasunduang lugar. Habang binibilang ni Cruz ang kabayaran sa sigarilyo, dinakip sila ng mga awtoridad.

Nakuha sa kanila ang 26 ng malalaking kahon ng pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.6 milyon, isang branded na cellphone, at boodle money.

Ang dalawang suspek at ang kontrabando ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Batangas unit.

Pinuri naman ni Police BGeneral Paul Kenneth Lucas, Direktor ng pulisya sa Calabarzon Police Office ang lahat ng police operating unit sa rehiyon sa matagumpay na operasyon.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.