Iniimbestigahan ang 13 ang persons of interest sa pagpatay sa barangay chairman sa Laguna

0
175

CALAMBA CITY, Laguna. Tinukoy ng Special Investigation Task Group “Cogay” ang 13 indibiduwal bilang mga persons of interest kaugnay sa brutal na pagpatay kay Mario Jun Cogay, ang acting barangay chairman ng Canlubang sa lungsod na ito.

Ayon sa pahayag ni Police MSgt Jayson Paguio, isang imbestigador mula sa Calamba, kabilang sa mga ipinatawag ang apat na security ni Cogay, ang walong elected barangay councilmen, at ang hindi pa opisyal na proklamadong nanalong chairman na si Larry Dimayuga.

Nakapagbigay na ng affidavit ang 13 persons of interest sa task group, ayon kay Paguio.

Sa mensahe ni Laguna police director Col. Harold Depositar, nakalap ng Laguna PNP ang 60 kopya ng CCTV footages, at apat sa mga ito ang naeksamin na. “We are still conducting backtracking investigation and crime mapping sa crime site at doon nakita sa camera ang mga suspects na nakasakay sa motorsiklo,” pahayag ng mga imbestigador.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng miyembro ng gun-for-hire syndicate at mga professional hitman ang mga pumatay kay Chairman Cogay dahil sa istilo at bilis ng execution na kanilang ginawa.

Nanawagan ang pamilya ni Cogay sa mga opisyal ng PNP Calabarzon para sa agarang resolusyon ng kaso at para mapanagot sa korte ang mga nasa likod ng pagpatay sa kanilang mahal sa buhay.

Si Cogay ay pinagbabaril noong Sabado ng madaling araw ng mga armadong kalalakihan habang nasa gate ng kanyang bahay sa Canlubang.

Samantalang, nag-alok ng kalahating milyong pisong pabuya si Calamba City Mayor Ross Rizal para sa sinumang makapagtuturo sa mga suspects sa likod ng nasabing krimen.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.