Pangulong Marcos: Bagong Pilipinas walang ‘hidden agenda’

0
111

MAYNILA. Ipinaabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malinaw na pahayag na wala itong “hidden agenda” at hindi ito isang bagong partido pulitikal sa pormal na paglulunsad ng kampanyang “Bagong Pilipinas” sa Quirino Grandstand sa Maynila.

Sa kanyang mensahe sa kick-off rally ng “Bagong Pilipinas,” binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangan na ipakita ng gobyerno ang kanilang layunin hindi lamang sa pamamagitan ng salita kundi sa pamamagitan ng mga kilos.

“Para mabalik ang tiwala ng taumbayan, kailangang ipakita ng gobyerno ang mga dapat gawin, hindi lang sa salita kundi sa gawa. Dapat may plano at blueprint para sa hinaharap na maipakita sa ating mga mamamayan,” pahayag ni Marcos.

Ibinahagi rin ni Marcos Jr. ang kahalagahan ng tiwala sa gobyerno at ang pangangailangan na ito ay makuha sa pamamagitan ng Philippine Development Plan (PDP), na nagsilbing pundasyon ng “Bagong Pilipinas.”

Ayon sa Pangulo, ang Bagong Pilipinas ay hindi lamang isang slogan o sticker na ikinakabit kung saan-saan. “Layunin ng Bagong Pilipinas na itatag ang mga mithiin para sa kinabukasan ng ating bayan. Tapos na ang panahon ng pagsisi-patsi sa mga planong nagdudulot ng pagkakawatak-watak,” aniya.

Ipinunto rin ni Marcos na ang tiwala ng taumbayan ay hindi dapat sayangin, at ang tagumpay ng Bagong Pilipinas ay makakamtan lamang kung magtutulungan ang lahat.

Dagdag pa niya, kailangang mabilis ang pagtugon sa mga hiling ng tulong, at hindi papayagang magtagumpay ang mga masusungit sa gobyerno. Bawal na rin ang mga nangungulimbat at nagwawaldas ng pondo.

“Bawal ang mga hindi tapat at nangungulimbat. Kapag pera ng bayan ang nawala dahil sa katiwalian ang mga taong paglalaanan sana ng pondong naglaho ang nanakawan. Sa Bagong Pilipinas bawal ang waldas,” giit ni Marcos.

Kasama rin sa okasyon si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ilang senador, at mga miyembro ng Gabinete. Libu-libong mamamayan mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay ang nagkaisa sa kick-off rally na dinaluhan din ng maraming celebrities. Dumating si Marcos sa pagtitipon kasama ang kanyang First Lady na si Liza-Araneta Marcos dakong alas-7 ng gabi.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo