Bistado sa Senado: P1,500 bayad kada-araw sa nangangalap ng PI signatures

0
122

Ibinulgar sa Senado ng isang saksi mula sa Bukidnon na nagbibigay umano ng bayad ang grupo ni House Speaker Martin Romualdez na nagkakahalaga ng P1,500 kada tao upang kumuha ng lagda mula sa bawat barangay para sa people’s initiative.

Sa kanyang pahayag sa Senado, sinabi ni Jocelyn Movera, isang katutubong taga-Bukidnon at testigo sa Senate hearing, na natanggap niya ang halagang P3,000 mula kina Adonis Gonzaes at Adonis Ragasi bilang bayad sa pagkuha ng lagda para sa people’s initiative.

“Sabi nila, magpapirma kami sa tao at bibigyan kami ng bayad na 1,500 a day,” ayon kay Movera sa kanyang salaysay sa wikang Cebuano.

Ayon kay Movera, binigyan sila ng dalawang dokumento — isa para isumite sa Kongreso, at ang isa para ipasa sa Commission on Elections.

“Bale ang ibinigay po sa amin ay P1,500 a day tapos po in-advance po ‘yung isang araw bale P3,000 po ang natanggap namin,” dagdag niya.

Ipinahayag din ni Movera na nakilahok siya sa signature drive ng ilang araw lamang dahil ipinag-utos ng Barangay Captain Alex Salvaña na itigil ang pangangalap ng lagda dahil hindi ito sumusunod sa proseso ng barangay.

Kasabay nito, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na batay sa pahayag ni Movera, tiyak na mayaman ang indibiduwal na nasa likod ng people’s initiative.

“Imagine, ilang libong barangay yan sa Pilipinas. Kung ang pangako nila ay 1,500 per person, naku, hundreds of millions of pesos siguro ang pinag-uusapan natin dito. Hindi ito ordinaryong tao ang pasimuno nito,” ayon kay Zubiri.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.