Ex-mayor sa Quezon, kinasuhan ng ‘perjury’

0
147

LUCENA CITY, Quezon. Nahaharap sa kaso ng “perjury” ang dating alkalde ng bayan ng Tiaong sa lalawigan ng Quezon na si Ramon Preza matapos siyang kasuhan ng isang negosyante na unang pinagbintangan nitong tumangay ng multi-milyong pera sa kanya.

Ang kasong paglabag sa Article 183 ng Revised Penal Code na Perjury o Pagsisinungaling ang kakaharapin ni Preza sa Lucena City Regional Trial Court Branch 53, base sa resolusyon ng Lucena City Prosecutor’s Office na inilabas noong Enero 11, 2024.

Ang asunto ay nag-ugat sa akusasyon ni Preza ng pandaraya at panloloko sa negosyanteng si Frankie Ong, na inakusahan niyang nagtangkang kunan siya ng pera na umabot ng higit P46 milyon. Sinabi pa ni Preza na siya ay opisyal ng isang kumpanya na ginamit sa transaksyon, gamit ang isang pekeng dokumento.

Subalit ayon sa imbestigasyon, lumabas na ito ay personal na loan lamang ni Ong kay Preza, at walang koneksyon sa nasabing kumpanya, ayon sa counter-affidavit na isinumite ni Preza sa Makati Prosecutors Office.

Nakalalaya pansamantala si Preza matapos maglagak ng P25,000 na piyansa makaraang magpalabas ng warrant of arrest ang korte laban sa kanya noong Enero 19, 2024.

Samantalang ibinasura ang reklamong “Falsification” sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code laban kay Preza, matapos mabigo na magpakita ng ebidensya na pineke ang dokumento na ginamit laban kay Ong.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.