Bangkay ng mag-asawang trader natagpuang nakagapos

0
593

TANAUAN CITY, Batangas. Nagsasagawa ngayon ang pulisya ng masusing imbestigasyon matapos matagpuang patay ang isang mag-asawang negosyante na nakagapos at may tama ng bala sa leeg sa kanilang tahanan sa Barangay Darasa, lungsod na ito, nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ng hepe ng Tanauan City Police Station ang mga biktima na sina Allen John Umali, 38-anyos, at ang kanyang asawang si Khegzy, 36, na may shuttle service transport business sa isang industrial company.

Sa ulat, nadiskubre ni Rhaziel Badillo, kapatid ni Khegzy, ang bangkay ng mag-asawa habang magkatabi sa kama dakong alas-7:20 ng umaga sa ground floor ng kanilang bahay sa Ciudad Victoria Homes.

Ayon kay Lt. Col. Apolinario Lunar ng Tanauan City Police, natagpuan ang mag-asawa na parehong nakagapos ng duct tape sa kanilang mga kamay at may tama ng bala sa leeg. Ang babae ay tinakpan ng kumot habang isang caliber .9mm na baril ang narekober sa ulunan ng kanyang mister.

Wala namang “force entry,” at ang mga personal na gamit ng mag-asawa ay “in tact.” Natagpuan din ang limang bala ng .9mm sa loob ng cabinet na pag-aari ni Allen John.

Sa paunang teyorya ng mga imbestigador, maaaring binaril muna ng mister ang kanyang misis bago siya nag-suicide, batay sa nakalap na “circumstantial evidence.”

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.