Mag-ate, nalunod sa Taal Lake habang nagsu-swimming

0
246

LAUREL, Batangas. Dalawang magkapatid na babae ang naiahon ng mga mangingisda matapos silang mawala habang naglalangoy sa Taal Lake noong Sabado.

Unang naiahon ng mangingisdang si Keigi Gento ang bangkay ni Aira Gene Obejera, 27, residente ng Brgy. Marawoy, Lipa City. Matapos ang masusing paghahanap, natagpuan naman ni Renerio Flor ang bangkay ni Glenda Joy, 12, na palutang-lutang sa lawa.

Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG)-District Southern Tagalog, nakatanggap sila ng impormasyon na may dalawang tao na nawawala habang nagsi-swimming sa isang bahagi ng Taal Lake sa Brgy. Bugaan East.

Agad na nagpadala ng search-and-rescue (SAR) team ang istasyon ng PCG sa bayan ng Laurel upang magsagawa ng operasyon.

Batay sa ulat ng Coast Guard Sub Station, lumalangoy ang mag-ate malapit sa tabing-ilog ng lawa sa nasabing lugar. Ngunit, naanod sila sa mas malalim na bahagi ng lawa hanggang sa mapadpad sila sa lugar at hindi na nila nakayang makabalik sa ligtas na lugar.

Agad isinugod sa Doctor E Malabanan Hospital ang dalawa ngunit hindi na sila naisalba.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.