Buntis na estudyante na tumangging magpalaglag, pinagsasaksak ng boyfriend

0
218

Los Baños, Laguna. Nasa kritikal na kondisyon ngayon matapos saksakin ng kanyang boyfriend ang isang 18-anyos na senior high school student na tatlong buwang buntis. Naganap ang insidente sa madamong bahagi ng Barangay Maahas, bayang ito.

Kinilala ni Major Jollymar Seloterio, hepe ng pulisya ng Los Baños Municipal Police Station ang biktima na si alias Elsa, na nagtamo ng mga saksak sa katawan at galos. Agad siyang dinala sa Provincial Hospital of Laguna sa Sta. Cruz.

Ang suspek ay natukoy na ang dati nitong nobyo na si alias De Leon, 16, public high school student, residente ng Barangay San Antonio, Los Baños na tumakas at nahaharap ngayon sa kasong frustrated homicide.

Ayon sa imbestigasyon ni Police Staff Sergeant Alvin Apolinario, ang biktima ay naghihintay ng tricycle sa Maahas Road pauwi sa kanilang bahay nang dumating ang suspek at niyaya ito na mag-usap sila.

Dito ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dating magnobyo nang tanggihan ang pakiusap ng suspek na ipalaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan na ang ama ay ang suspek.

Sa galit ng suspek ay hinawakan nito ang leeg ng biktima at pinagsasaksak sa katawan.

Bagaman at may mga tama ng saksak ay nakatakbo ang biktima at humingi ng tulong sa mga residente na siyang nagdala sa kanya sa ospital.

Ayon sa report ng nag-viral na video, nagtamo ng mahigit na 60 saksak ang biktima ngunit himalang nabuhay ito.

Patuloy ang obserbasyon ngayon ng mga doktor sa kalagayan ng biktima habang tinutugis ng pulisya ang suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.